CAMARINES NORTE – Aabot sa 42 mangingisda mula sa Barangay San Roque, Mercedes, Camarines Norte na benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) project ng Department of Agriculture (DA) ang pinagkalooban ng bottom-set gillnet o mas kilala sa tawag na “pangki”.
Ang distribution ng mga pangki ay ginanap kahapon sa opisina ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pinangunahan ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam
Ayon kay Tiam dalawang project ang ibinigay ng opisina para sa mga magpapangki gayundin sa mga magtatapa bilang tulong pangkabuhayan.
Ito ay upang kung may panahon na mahina ang mangingisda ay maaari silang mag “switch” sa pagtatapa.
Ang mga benepisyaro ng SAAD dito sa Camarines Norte ay nasa limang bayan na kinabibilangan ng San Lorenzo Ruiz, San Vicente, Sta Elena, Capalonga at Mercedes.
Layon ng programa na mabawasan ang poverty incidence sa ilang piling munisipyo sa rehiyon mula Fiscal Year 2023 hanggang 2028.
Ayon kay Tiam, nais ng BFAR na sa pamamagitan ng mga ganitong livelihood project ay mapataas ang produksyon ng isda para sa food security.
