Mahigit 21,000 na security forces ang ipapakalat para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25.
Ang naturang bilang ay mas mataas kesa sa unang balak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na 15,100 PNP personnel.

Ang kabuoang deployment na 21,853 force multiplier ay hahatiin kung saan 16,964 dito ay mula sa NCRPO, 1,905 mula sa Philippine National Police (PNP) support units, at 2,974 mula sa coordinating agencies at iba pang peacekeeping partners.
Napag-usapan ang deployment para sa SONA ni Pangulong Marcos sa ginanap na 1st Inter-Agency Coordination Meeting sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City at pinangunahan ni NCRPO Regional Director Police Major General Felipe Natividad.
Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines, local government units, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, force multipliers, volunteer groups, at iba pang mga concerned agencies.
Una nang inansuniyo ng PNP na ipapataw ang gun ban sa Metro Manila mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 27 upang matiyak ang seguridad sa unang SONA ni Marcos.
Samantala, sinabi ng MMDA na magpapatupad ito ng road rerouting para mapanatiling maluwag ang bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City para sa mga sasakyan na papunta at pabalik sa Batasang Pambansa, na siyang venue ng SONA.