VILNIUS, Lithuania—Mahigit isang kilong pako at screw ang natanggal mula sa tiyan ng isang lalaki sa Lithuania matapos itong operahan.
Ang hindi na pinangalanang lalaki ay dinala sa ospiyal sa Baltic port sa lungsod ng Klaipeda dahil sa matinding pananakit ng tyan.
Base sa resulta ng X-ray, nakita ang mga metal sa loob ng tyan ng lalaki kung saan ang ilan sa mga ito ay may sukat na sampong sentimetro.
Ayon sa surgeon na si Dr. Sarunas Dailidenas, inabot ng tatlong oras ang operasyon kung saan matagumpay namang natanggal ang lahat ng mga screw at pako hanggang sa kaliit-liitang metal sa kanyang tyan.
Ayon sa head surgeon ng Klaipeda Hospital na si Dr. Algirdas Slepavicius, ito ang unang pagkakataon na nakakita sila ng ganito karaming metal na ipinasok sa tiyan ng isang tao.
Nagsimula umanong lumunok ng mga metal ang lalaki mula nang tumigil itong uminom ng alak.
Sa ngayon ay stable na ang kondisyon ng pasyente. || Shiela Madrigalejos