LEGAZPI CITY – Umaasa ang Department of Public Works and Highways Bicol na bago sumapit ang pagbubukas ng klase sa Lunes ay matatapos na rin ang pag-aayos sa mga paaralan sa rehiyon na nasira dahil sa nagdaang mga bagyo sa nakalipas ding mga taon. Sa ngayon kasi, nasa 171 ang project for repair ayon sa nasabing ahensya.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay DPWH Bicol Regional Spokesperson Lucy Castañeda, sinabi niya, aabot sa mahigit 700 million pesos ang inilaang pondo para sa proyektong ito, at ang lalawigan ng Camarines Sur ang may pinakamaraming inire-repair ngayon.
Sinabi niya, may natapos na rin sa ilang bahagi ng Albay partikular sa 1st and 2nd district. Sa ngayon, hindi pa masabi ni Castañeda kung ilang porsyento na lamang ang aayusin, basta’t tiniyak niya na puspusan ang pagtatrabaho at pagsasaayos ng mga nasirang classrooms upang mayroong magagamit ang mga estudyante sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na linggo. Nagkakaroon lamang kasi ng ilang adjustments dahil umano sa mga naranasang mga pag-ulan.