Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang magsasaka sa Claveria, Cagayan matapos nitong pagtangkaang saktan an gang kaniyang dating asawa at dalawang anak.
Ayon sa Claveria Police Station, kinilala ang biktima na alyas Petra, 41-anyos at dalawa nitong menor-de-edad na anak habang ang suspek naman ay kinilala sa alyas na Allan, 35-anyos na pawang mga residente ng Barangay Mabnang.
Sa imbestigasyon ng pulisya ay nagtungo ang suspek sa bahay ng mga biktima at nang hindi pinapasok ay sinira nito ang pintuan gamit ang kaniyang itak na may habang labindalawang pulgada.
Nang makapasok ang suspek ay agad na tumakbo hanggang sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang mag-iina kung saan sila hinabol at dahil sa takot ay tumalon ang mga ito sa terrace.
Napag-alaman naman na dahil sa madalas na hindi pagkakaunawaan ay naghiwalay na ang mag-asawa kaya’t nagulat ang mag-iina nang dumating ang suspek sa kanilang bahay.
Kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse, article 151 o Disobedience of a Person in Authority at RA 9262 o VAWC ang isasampa laban sa suspek.