Patay sa pananaksak ang isang 37-anyos na magsasaka habang sugatan ang isa pang magsasaka sa pamamaril sa magkahiwalay na lugar sa Masbate.
Unang naitala ang kaso ng pananaksak sa bayan ng Claveria, Masbate kung saan hindi nakaligtas ang biktimang si Ernesto Bersaga Andujar, residente ng Sitio Pantayan, Poblacion District 1 ng nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na ulat, naglalakad umano pauwi ang biktima nang biglang lumabas sa kanyang pinagtataguan ang suspek saka inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima gamit ang isang steel bar na ginawa bilang ‘’Bankaw.’’
Kinilala ang suspek na si Bobby Garalde Bangagalisan alias Bagyo, magsasaka at naninirahan din sa nasabing lugar.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang ‘bankaw’ na may habang 86 cm na nakatarak pa sa dibdib ng biktima.
Nakatakas ang suspek at ngayon ay subject na ng manhunt ng tracker team ng Claveria Police.
Sa bayan naman ng Mandaon ay nakaligtas sa pamamaril ang biktimang si Ely Ramos Pantia, 47-anyos, may asawa, magsasaka at naninirahan sa Brgy Centro ng nasabing bayan.
Ayon sa Mandaon Police, inireport sa kanilang himpilan ang pamamaril ng kalive-in partner ng biktima.
Sa salaysay nito, hindi umano nila nakilala ang suspek na matapos ang pamamaril ay agad na tumakas sa hindi malamang direksyon.
Naitakbo sa Mandaon Medicare Community Hospital ang biktima at kalaunan ay inilipat sa Masbate Provl Hospital.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtopridad sa nasabing kaso.
