CAMARINES NORTE-Isang maglolo naman ang naiulat na nalunod bandang alas 10:45 ng umaga nitong BIyernes Santo, Abril 15, 2022 sa Singi River ng P-7 Brgy. Singi, Vinzons, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, dakong ala 1:30 na ng hapon sa kaparehong araw nang maiparating sa himpilan ng Vinzons MPS ang tungkol sa nasabing insidente ng pagkalunod na naganap sa nasabing lugar.
Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng nasabing himpilan sa lugar upang I-verify ang naiulat na insedente.
Ayon sa paunang imbestigasyon, habang naliligo umano sa ilog ang biktimang si Philip Joshua Lagatos y Dimas, 10 anyos, isang mag-aaral na mula sa Bacoor, Cavite, bigla umano itong dinala ng malakas na agos ng tubig patungo sa malalim na parte ng ilog.
Ang insidente ay nasaksihan ng kanyang lolo na si Armando Dimas y Canaria, 74 anyos, isang magsasaka at residente ng P2, Brgy Singi, Vinzons kung kaya’t agad nitong sinaklolohan ang kanyang apo nang makita nitong nalulunod na ang bata.
Sa kasawiang palad, dahil sa edad nito at dahil sa lakas ng agos ng ilog ay kasama rin itong nalunod.
Tinangka pang isalba ng mga tauhan ng MDRRMO-Vinzons ang mga biktima ngunit wala na itong mga tugon. Ayon sa nanay ng batang biktima, naniniwala siya na ang lakas ng agos ng ilog ang naging dahilan ng pagkalunod ng mag-lolo.
Dagdag pa, dakong alas 8:00 ng umaga nang maligo ang kanyang anak sa ilog at dakong 10:45 na ng umaga nang maiahon sa tubig ang mga biktima.
Inihahanda naman ng nasabing himpilan ang kahilingan para sa post mortem- examination ng mga bangkay ng biktima. Nakahimlay na ngayon ang mga labi nila sa tirahan ng biktimang si Armando.
