BICOL— Nasampolan na ang ilan sa mga biyahero sa Catanduanes na patuloy pa ring nagpupuslit at nagpupumilit na makapasok sa islang lalawigan sakabila ng mahigpit na pagbabawal at hindi pagtanggap sa mga hindi naman APOR at non-essential travelers lalo na ang mga mula sa National Capital Region.
Ito’y matapos na pormal nang sampahan ng kaso ang mag-asawa na lumabag sa quarantine protocols sa bayan ng Caramoran dahil sa pagpuslit ng mga ito papasok sa lalawigan sakay ng motorized banca nitong nakaraang buwan.
Matatandaang naharang ang mga ito ng mga border control personnel sa Tabaco Port at nang isailalim sa rapid test, ay nag positibo ang mga ito.


Samantala, matatandaan rin nitong nakaraang linggo na limang mga biyahero mula sa NCR ang nakatakdang kasuhan ng paglabag sa quarantine protocols matapos ang mga itong maharang ng Philippine Coastguard sa baybaying bahagi ng Brgy. Mayngaway sa bayan ng San Andres.
Sumubok ang mga itong pumuslit papasok ng isla sakay ng inarkilang bangka, nang hindi maaprubahan ang S-PaSS account ngunit hindi nagtagumpay matapos na madakip ng PCG at ng MDRRMO-San Andres.##