LEGAZPI CITY – Maituturing na “alarming” ang madalas na power interruption sa lalawigan ng Albay ayon sa Committee on Power and Energy ng Sangguniang Panlalawigan.
Kasunod ito ng halos magkakaugnay na reklamo mula sa ilang mga miyembro-konsumidores tungkol sa halos palagian na lamang na pagpatay-sindi ng kuryente.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay BM Vic Ziga, sinabi niya na luma na ang blaming o paninisi ng mga isyu sa dating administrasyon sapagkat sapat na rin umano ang grace period na ibinigay.
Aniya, magwawalong taon na rin nang magsimula ang transition mula sa APEC papunta sa ALECO, ngunit nagpapatuloy pa rin ang patay-sinding kuryente hindi lamang sa gabi kundi maging sa umaga, at madalas ay walang abiso.
Sa ilang buwan nila umanong pamamahala, dapat ay matagal na nilang namonitor ang mga problema sa kuryente at nasolusyunan.
Sa committee hearing kahapon sa sanggunian, nailatag ang kaparehong isyu, ngunit kulang naman umano ang impormasyong dala ng ALECO tungkol sa datos ng power interruption, subalit ayon umano kay Gen. Man. Wilfredo Bucsit, mayroon umanong mga item o linya na obsolete na at kinakailangan ng improvement.
Sa ngayon, siniguro ni Ziga na patuloy silang magmo-monitor sa kung ano na ang mga aksyon o improvement na isasagawa ng nasabing kooperatiba upang mabawasan na rin ang mga power interruptions.