LEGAZPI CITY – Inihayag ng Department of Health (DOH) Bicol na lubhang nakakaapekto ang matinding init ng panahon para sa mga iniimbak na breast milk.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Christine Espiritu, Nutritionist-Dietician ng nasabing ahensya, sinabi niya na maaaring masira ang mga gatas kung hindi ito nailagay sa wastong temperatura.
Aniya, mayroong mga paraan upang hindi agad masira ang mga iniimbak na gatas: kung maayos ang room temperature kung saan ito nakaimbak, maaari itong tumagal ng 4-6 na oras, ngunit kung sobrang init, masisira ito.
Ilagay umano ang mga gatas sa refrigerator upang tumagal ng 3-8 araw, subalit maaaring itong tumagal mula anim na buwan hanggang isang taon kung sa freezer ilalagay.
Kung mayroon namang mga power interruptions sa isang lugar, maaari itong ilagay sa cooler na maraming mga yelo at dito maaaring tumagal ang breast milk hanggang 24 oras.
Subalit ayon sa kanay, kung hindi, may mga storage facility naman ang Albay kung saan maaaring makapagdonate ng breast milk.
Matatandaan, kamakailan ay may isang breastfeeding mom na nagpost sa social media na dahil sa init ng panahon at patay-sinding kuryente, nasayang at nasira ang kanyang inimbak na breast milk na nakalagay sa refrigerator.