Mababang vaccination coverage sa hanay ng mga senior citizen dahil umano sa vaccine hesitancy at brand preference- DOH

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Health (DOH) na vaccine hesitancy at brand preference ang dahilan kung bakit mababa pa rin ang vaccination coverage sa A2 priority group o senior citizens.

Sa isinagawang virtual Press briefing nitong Lunes, ipinaliwanag ni Dr. Janish Alcala- Arellano, OIC ng Local Health Support Division ng DOH- Bicol na ito ang posibleng dahilan batay umano sa feedback na kanilang natatanggap.

Ayon  sa datos ng DOH hanggang nitong October 23 nasa 51, % pa lang ang vaccination coverage sa mga senior citizen sa Bicol at 47 % pa lang ang fully vaccinated o halos hindi na gumagalaw ang bilang.

Read More:  CCTV records alleged abduction in Cebu City

Kaugnay nito, muling binigyang diin ni Arellano na ligtas at epektibo ang bakuna sa pagprotekta sa malubha at kritikal na sintomas ng COVID- 19.

Nais umano ng DOH na walang mamatay sa laban kontra COVID- 19 kaya’t hinihimok ang bawat  isa lalo na ang mga nakatatanda na magpabakuna kontra dito.

Ayon pa kay Arellano, karamihan sa mga namatay sa COVID- 19 ay senior citizens at person with comorbidities na dapat umanong ma- protektahan.

Ikinalungkot din nito na sa kabila aniya ng napakaraming impormasyong ipinalabas ng DOH tungkol sa efficacy at kahalagahan ng bakuna ay mayroon pa rin daw na nagpapalaganap ng maling impormasyon na nakakahadlang sa adhikaing matapos ang kinakaharap na pandemya.

Read More:  German national dies in Mandaue pension house fire

Kaya naman payo  ni Arellano sa publiko na alamin lang ang tamang impormasyon at huwag maniwala sa mga unverified sources na nagpapakalat ng fake news.

Sa ngayon nasa 191, 711 na ang natanggap na doses ng bakuna ng Camarines Norte.

Sa bilang na ito 92 % ang nakatanggap na ng first dose habang 53 % naman ang nakatanggap na ng ikalawang dose.