SORSOGON CITY – Natuloy na rin ang batas na RA 11202 o Mobile Number Portability Law (MNP), kung saan mayroon nang opsyon ang mga subscribers na mapanatili pa rin ang kanilang old mobile number kahit lumipat ng ibang network providers.
Ayon sa NTC, sa ilalim ng batas, puwede nang lumipat ang isang subscriber sa ibang network o lumipat mula sa postpaid papuntang prepaid o vice versa na hindi na nagpapalit ng number.
Layunin ng batas na maprotektahan ang mga subscribers, lalo na yaong gustong lumipat na ng service provider dahil hindi na sila masaya sa serbisyo ng kanilang dating service provider.
Sa ganitong paraan, magkakaroon ng healthy competition ang mga telcos dahil makakahikayat ito na pagbutihin nila ang kanilang serbisyo.
Malaya umanong pumili ng service provider ang isang consumer habang gamit ang kanyang MNP.

Ang MNP ay kailangan na irehistro sa telecommunication company na napili, ito ay nakasaad sa lifetime cellphone act.
Ayon pa sa nasabing batas, mumultahan ng aabot sa P1 milyon at maaaring isawalang bisa ang prangkisa ng mga telecommunication firm na hindi susunod sa mga patakarang nakapaloob sa nabanggit na batas.
Binibigyan din ng 24 oras ang mga telecommunication provider na tuparin ang hiling ng isang subscriber na gamitin nila ang kanilang lumang number o baguhin ang subscription plan.