Pinagkalooban ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company ng libreng pabahay ang napiling isang pamilya ng Dumagat na kabilang sa grupo ng Indigenous People sa Digumased, Dinapigue, Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PSMS Gisela Ydel, ang Community officer ng 2nd IPMFC, sinabi niya na napili ng kanilang grupo ang pamilya Leal sa nabanggit na lugar bilang patunay na naabot ng programa ng pamahalaan maging ang mga nasa far flung areas.
Aniya, nang ginagawa nila ang plano ng bahay ay aabot sa 270,000 ang gagastusin sa materyales dahilan upang nagkasundo umano ang 2nd IPMFC katuwang ang apat nilang operating platoon na magkaroon ng fund raising sa pamamagitan ng personalized coffee mug.
Ang perang nalikom sa kanilang fund raising ang siyang ginamit sa pagpapatayo ng bahay at mismong mga personnel na umano ng 2nd IPMFC ang naging laborer upang matapos ang konstruksyon nito.
Dagdag pa ni PSMS Ydel, nagsimula ang konstruksyon ng pabahay noong October 9 at pormal na ipinasakamay sa pamilyang Leal nitong November 21, 2021.
Bukod sa pabahay ay pinagkalooban din ng grupo ang Dumagat ng libreng tsinelas, mga damit, sapatos, bags, feeding program at libro para sa mga bata.
Magpapatuloy aniya ang pagtukoy ng 2ND IPMFC ng mga pamilyang nasa far flung areas sa kanilang nasasakupan na mapapabilang sa kanilang pabahay project.