Humihirit ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa pamahalaan na magpadala sa mga lalawigan ng dagdag na suplay ng mga bakuna kontra covid-19.
Ayon kay LPP President Governor Presbitero Velasco, dapat damihan na ang mga bakunang ipinadadala sa mga probinsya para maabot ang tinatawag na population protection.
Aniya, may mga probinsya na natakot dahil kakaunti ang natatanggap nilang covid-19 vaccine o nasa 20 hanggang 30 percent lamang.
Kaugnay nito, sinabi naman ng LPP na nauunawaan nila kung bakit ang National Capital Region ang naging prayoridad sa bakunahan noong mga nakalipas na buwan.

Ayon kay Velasco, kung magpapadala ang national government ng dagdag bakuna, ito sana raw ay maibigay sa mga low risk provinces na hindi talaga nabibigyan ng sapat na suplay noon.
Sa oras naman na mas marami nang bakuna ang mga probinsya, tiniyak ng opisyal na handang handa ang mga lokal na pamahalaan na palakasin at pabilisin ang pagtuturok upang maprotektahan ang kanilang mga residente. //MHEL PACIA-TRINIDAD