LPA sa loob ng PAR – Bagyong Gener na

Nag-develop na bilang isang tropical depression ang low pressuare area sa silangang bahagi ng Aurora, at tinatawag na ito ngayong Bagyong Gener.

Huling namataan ito sa layong 325 kilometro silangan hilagangsilangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometers per hour, at bugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Dahil sa bagyo, itinaas ang tropical cyclone wind signal no.1 sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, at northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real) kabilang ang Polillo Islands.

Read More:  NBI may invite Padilla over Dela Rosa’s whereabouts

Inaasahan namang magla-landfall na ito sa bahagi ng Isabela o Aurora loob ng 24 oras.

Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na “Pulasan.”

Huli itong namataan sa layong 2,135 kilometro, silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang lakas ng hangin na aabot ng 65 kilometro kada oras; at bugsong papalo ng 80 kilometro kada oras.

Sakaling pumasok ito ng PAR, tatawagin naman itong Bagyong Helen.

Read More:  DENR preparing for possible impact of Super El Niño

Pinalalakas nito ang southwest monsoon o habagat na siya namang makaaapekto sa ilang bahagi ng bansa.

Ngayong araw, asahan ang pabugso-bugsong mga pag-ulan sa hilagang bahagi ng Palawan, Occidental Mindoro, Aklan, Antique, at Negros Occidental dahil sa habagat.

Magdadala rin ang naturang weather system ng minsanang mga pag-ulan sa bahagi ng MIMAROPA, Western Visayas, at Negros Island Region.

Sa pagtataya ng weather bureau, may tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan ang Metro Manila, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Caraga, Northern Mindanao, malaking bahagi ng Luzon at Visayas, at nalalabing bahagi ng Mindanao bunsod ng habagat.