CAMARINES SUR- Patay ang local tattoo artist sa Pasacao, Camarines Sur matapos maaksidente sa pagbibisikleta.
Kinilala ang local artist na si Jayboy Candelaria, 25 anyos, may ka-live in partner at may isang anak. Ayon sa Pasacao Municipal Police Station, naaksidente ito sa minamanehong bisikleta kung saan lumalabas sa imbestigasyon na walang itong brake at preno. Napag-alaman din na hiniram lamang nito ang bisikleta at hindi rin ito nakasuot ng bicycle gears.
Base naman sa salaysay ng nakakita, bigla na lang itong tumilapon sa madamong bahagi ng daan. Isang accident prone area ang dinaanan ng biktima kung saan pabulusok ang daan. Kinumpirma rin ng pulisya na malalayo ang agwat ng mga solar lights sa lugar kung kaya’t may mga bahaging madilim pa rin.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, maaring ang malubhang tama sa ulo ang naging sanhi ng pagkamatay nito, idagdag pa ang ilang fracture sa magkabilang braso. Sa ngayon, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng medical examinations.
Kilala ang local tattoo artist bilang matulungin sa mga nangangailangan gamit ang perang nalilikom mula sa mga donasyon ng mga kliyente nito.