KORONADAL CITY — SINIMULAN na kahapon ang 14 na araw na live-in training ng mga atleta ng Koronadal na makikibahagi sa 2023 SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association o SRAA Meet.
Hindi bababa sa 500 ang bilang ng mga atletang ipapadala ng lungsod sa Kidapawan City para sa iba’t-ibang events na kinabibilangan ng athletics, gymnastics, ball games, arnis, boxing, swimming, dancesport, wrestling, archery, billiards, chess, pencak silat at iba pa.
Sa kanyang mensahe, hinahamon ni City Mayor Atty. Eliordo U. Ogena ang mga atleta at coaches na mag-fucos sa training at mag-uwi ng medalya at karangalan para sa lungsod.
Dagdag pa ng alkalde na sa araw mismo ng kompetisyon, hindi dapat makalimutan ng mga atleta at coaches ang mga core values ng lungsod na kinabibilangan ng “love for our city, commitment to win, discipline at competitiveness”.
Ang opening program ng nasabing live-in training ay isinagawa sa Marbel 5 Central Elementary School na dinaluhan nina City Schools Division Supt. Miguel Fillalan, Division Sports Officer Napoleon Comicho, Sangguniang Panlungsod Committee on Education Chairperson Ma. Ester Marin Catorce at City Sports Officer Jonathan Enmannuel.
Matatapos ang 2023 intensive live-in training sa Abril 22, 2023 habang ang SRAA Meet ay nakatakda naman sa Abril 24 hanggang 29.
