Inaasahang sisimulan sa Pebrero ang limited face-to-face classes sa Isabela State University campuses kasabay ng pagbubukas ng second semester ng academic year 2021-2022.
Ito ang inihayag ni Dr. Ricmar Aquino, President ng ISU System sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, nakakuha na ng clearance mula sa mga lokal na pamahalaan ang ilang campuses at isusumite ito sa Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Dr. Aquino, pagkatapos nito ay maaari na nilang simulan ang limited face to face classes dahil hindi naman na kinakailangan pa ang approval ng CHED.
Bilang paghahanda ay sinunod umano nila ang mga panuntunan na ibinaba ng CHED, DOH at IATF.
Batay sa guidelines ng CHED ay maaari ng isagawa ang limited face-to-face classes sa lahat ng kurso subalit nilimitahan aniya ng ibang campuses sa 3rd year at 4th year students.
Dagdag pa niya, sakaling mag-umpisa ito ay tanging mga bakunadong estudyante lamang ang pinapayagang makilahok.
Sa bawat klase ay 50% lamang ang dapat iakomoda na mga estudyante upang mamintena ang physical distancing.
Pananatilihin din ang triage at mayroong nakatalagang pasilidad kung saan dadalhin muna ang mga estudyante o faculty and staff na magkakaroon ng sintomas.
Ayon pa kay Dr. Aquino, kapag gumanda ang sitwasyon pagdating sa COVID-19 ay maaaring buksan din ito sa iba pang mga estudyante at mga aktibidad sa loob ng campuses.
Paliwanag niya, tuloy-tuloy pa rin naman ang mga isinasagawang online classes kahit sinimulan na ang in-person classes.
Samantala, matapos ianunsyo na isasailalim sa Alert level 3 ang Isabela sa Biyernes, January 14 ay sinabi ni Dr. Aquino na nakadipende anya kung ano ang magiging instruction ng pamahalaang panlalawigan o posibelng bawasan ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat klase.