BNFM BICOL— Umakyat na sa kabuuang bilang na 1,662 ang mga naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes, matapos na madagdagan ng 31 bagong kaso kahapon araw ng Biyernes.
Batay sa ulat ng Department of Health-Bicol, 15 sa mga bagong tinamaan ng sakit, ang mula sa kabiserang bayan ng Virac; pito sa San Andres; lima sa Viga; tatlo sa Pandan habang isang panibagong kaso naman ang naidagdag sa bayan ng Bato.
Sa 31 bagong mga nag positibo, lima sa mga ito ang senior citizens edad 64-anyos hanggang 83-anyos habang apat naman sa mga ito ang menor de edad o mga bata, nag e-edad otso hanggang 14-anyos.
Bunsod nito, umakyat na rin sa 348 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa isla habang nadagdagan naman ng 20 ang bilang ng mga gumaling, kung kaya’t pumalo na sa 1,303 ang COVID-19 recoveries sa probinsya.
Wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi, kaya’t nananatili sa 11 ang death toll ng sakit.
Kaugnay nito, dumating rin kahapon sa islang lalawigan ang karagdagang 23,400 doses ng Pfizer vaccines mula sa national government.
Matatandaang una nang inihayag ni DOH Provincial Officer Dr. Robert John Aquino na umarangkada na sa Catanduanes ang pagbabakuna para sa mga residenteng kabilang sa indigent populations o ang mga nasa A5 priority groups.###