Ipauubaya na ni House Speaker Martin Romualdez sa liderato ng Senado ang magiging kapalaran ng panukalang amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa panayam sa Kamara, sinabi ni Romualdez na bahala na ang kanyang mga kaibigan sa Mataas na Kapulungan dahil sa kanila nakabinbin ang economic Charter Change.
Tiyak aniyang ikokonsidera ng Senado ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses Number 7 dahil makabubuti umano para sa taumbayan ang constitutional reforms.
Umaasa rin si Romualdez na magpapatuloy ang magandang relasyon ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng kanilang pamumuno ni Senate President Chiz Escudero.
Alam na umano ni Escudero ang priority bills na dapat aksyunan lalo na kapag umarangkada na ang third regular session ng 19th Congress.
Dagdag pa ng House leader, hindi pa sila nakakapag-usap ni Escudero mula nang mahalal ito bilang Senate President.