Inamin ni House Speaker Martin Romualdez na may mga kongresista na nagmungkahi sa kanya na gawing zero ang budget ng Office of the Vice President sa susunod na taon dahil sa hindi pagsipot sa plenary debates.
Ayon kay Romualdez, tinanggihan niya ang mga rekomendasyon dahil mahalagang mapondohan ang OVP upang masiguro na hindi maaantala ang mga serbisyo nito at mapoprotektahan ang trabaho ng mga empleyado.
Bagama’t nauunawaan niya ang pagkadismaya ng ilang miyembro, kailangan pa rin ng sapat na budget ng tanggapan ni Duterte.
Ito ang dahilan kaya kinausap ni Romualdez ang lahat ng political party leaders sa Kamara upang kumbinsihin ang mga miyembro na i-adopt na lang ang rekomendasyon base sa committee report ng House Committee on Appropriations.
Kabilang sa kinonsulta ang Nacionalista Party, Nationalist People’s Coalition, National Unity Party, Party-list Coalition Foundation, Inc. at iba pa.
Paliwanag pa ng Speaker, ang magiging budget ng OVP ay 733 million pesos na kapareho ng pondo ni Vice President Leni Robredo at Kasama na rin ang 30 million pesos na makatutulong umano sa pagharap sa epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Minabuti umano ni Romualdez na gawin ito kahit tatlong beses na hindi sumipot si VP Sara sa pagdinig sa Kamara at inaasahan sana nila na tutuparin ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang tungkulin.