Liderato ng Kamara, kumbinsidong lumala ang illegal activities sa POGO noong nakaraang administrasyon

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na pananagutin sa batas ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sa pulong balitaan matapos pangunahan ang ocular inspection sa mga POGO hub sa Tarlac at Pampanga, sinabi ni Romualdez na marapat na parusahan ang mga sangkot lalo’t ikinagulat ng mga kongresista ang mga nakita sa bayan ng Bamban at Porac.

Kumbinsido rin si Romualdez na namayagpag ang industriya ng POGO kakambal ng mga ilegal na aktibidad sa panahon ng administrasyong Duterte.

Read More:  VP Sara keeps former President Duterte away from impeachment discussions

Nagpasa aniya ng batas ang Kongreso upang i-regulate ang POGO para sa koleksyon ng buwis ngunit lalong dumami ang ilegal na aktibidad at ginamit lamang na “front”.

Paliwanag ng Speaker, mahalaga ang ginawa nilang inspeksyon upang magsilbing gabay sa pagbuo at pag-consolidate ng mga nakabinbing panukala hinggil sa POGO at para matukoy kung ano ang gagawin sa maaapektuhang stakeholders at sa mga Pilipino at foreign nationals na nawalan ng trabaho.

Read More:  Supreme Court asks Sotto to explain remarks on VP Sara impeachment ruling

Umasa si Romualdez na tumutok na lang sana sa lehitimong operasyon ang mga POGO ngunit kitang-kita sa inspeksyon na may scam farms, love scams, human trafficking, prostitusyon at pornography.

Binigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng whole-of-government approach kasabay ng koordinasyon sa pagitan ng mga komite sa Kamara at iba’t ibang ahensya ng gobyerno tungo sa komprehensibong pag-iimbestiga.