LEGAZPI CITY – Inihayag ng Pamahalaan Panlalawigan ng Albay na palalagyan nila ng Wi-Fi connection ang 25 mga evacuation centers upang magamit sa komunikasyon ng mga evacuees sa kanilang pamilya na nasa malalayong lugar.
Ayon kay Gov. Atty. Edcel “Grex” Lagman, nakipag-ugnayan na sila sa Eastern Communications upang mangyari ang nasabing programa.
Sa oras na maisakatuparan ito, mapapadali na rin ang pagre-report ng iba’t ibang mga kalagayan at datos ng mga evacuees sa mga local DRRMOs upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga inilikas mula sa 6 km PDZ.
Maliban pa rito, hindi na rin maaantala pa ang pag-aaral ng mga bata at hindi na rin mahihirapan sa pag-aaral lalo na kung nasa online class modality.