BNFM BICOL— Inihayag ni Virac, Catanduanes Mayor Sinforoso Sarmiento na pinag-aaralan ngayon ng kanilang lokal na pamahalaan ang kasalukuyang ipinatutupad na curfew at liquor ban sakanilang bayan bilang bahagi ng mga hakbangin upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19.
Aminado umano ang alkalde na lubhang apektado ang industriya ng pag ne-negosyo maging ang transportation sector bunsod ng mga umiiral na COVID-19 restrictions sakanilang lugar.
Bunsod nito, kasalukuyan nilang inoobserbahan ang epekto ng 10 p.m to 4 a.m curfew at ang pagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag inom ng alak upang sa ganun ay magkaroon sila ng basehan kung pahahabain o tatapusin na ang nasabing mga regulasyon sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ni Sarmiento, kailangang balansehin ang interes ng ekonomiya at ang lumalalang kaso ng COVID-19 sakanilang bayan, bago ipatupad ang susunod na mga hakbang.
Matatandaan na ang desisyong ito ng LGU-Virac na muling magpatupad ng liquor ban at curfew ay dahil na rin sa naging panawagan ng Catanduanes Medical Association sa Municipal IATF bunsod ng pagiging full capacity ng mga ospital sa islang lalawigan dahil sa dumaraming bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.###