LEGAZPI CITY – Halos nailikas na sa evacuation center ang mga residente ng Brgy. Maninila, Tandarora at ilang sitio sa Muladbucad Grande ng Guinobatan, Albay ayon sa lokal na pamahalaan nito.
Dahil dito, tiniyak ni Mayor Paul Chino Garcia na ang mga inilikas ay mayroong mga sapat na pagkain, malinis na tubig at malinis na palikuran sa loob ng kanilang pansamantalang tinutuluyan.
Aniya, hindi na mila umano pinoproblema ang pagkain dahil nariyan na ang DSWD at Provincial Government na tutulong sa pagbibigay ng Family Food Packs.
Inaayos na rin ang mga palikuran at linya ng tubig upang mayroon gagamitin ang mga evacuees sa paghuhugas, paglilinis at pagligo.
Sa ngayon ay mayroon nang humigit-kumulang sa 2,000 katao na mula sa 6 km permanent danger zone ng bulkan ang nailikas na.