Nagsagawa ng tuluyang pagbabasa o reading marathon ng Noli Me Tangere ang Pamahalaang Bayan ng Gubat, Sorsogon bilang paggunita sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal ngayong Rizal Day, ika-30 ng Disyembre.
Mahigit sa 10 oras ang nasabing pagbabasa na isinagawa sa Gubat Public Library at mag tatapos ito sa pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Rizal sa parke ng Municipal Hall ngayong araw.
Pero alam nyo ba mga ka-Brigada na walang Batas o opisyal na pagkilala na si Jose Rizal nga ang ating Pambansang Bayani?
Bagamat may panukala noong 1995 pero hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang ating pamahalaan dito.
Si Rizal ay itinuturing na isang pambansang simbolo lamang tulad ng kalabaw bilang pambansang simbolo ng hayop, mangga bilang pambansang simbolo ng prutas at anahaw bilang pambansang simbolo ng dahon.
Pero alam nyo rin ba na meron tayong Rizal Law o ang Republic Act No. 1425 na nag-uutos sa lahat ng mga Educational Institutions sa buong bansa na dapat kasama sa mga asignatura sa kolehiyo ang pag-aaral tungkol kay Rizal o ang subject na Life and Works of Rizal.
