CAMARINES NORTE- Hihirit ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud ng isang bagong fire truck sa tanggapan ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan noong Lunes, Agosto 15 ay inaprobahan ang isang resolusyon na humihiling sa kalihim na maglaan ng isang fire truck para sa naturang bayan.
Luma na kasi ang nag iisang fire truck na ginagamit ngayon ng Bureau of Fire Protection na ibinigay ng LGU noon pang 2002.
Nakasaad sa resolusyon na hindi sapat ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng LGU na nagmumula sa national government para makabili ito ng bagong fire truck.
Napakahalaga umano ng pagkakaroon ng fire truck na “beneficial” hindi lang sa naturang bayan kundi pati sa mga karatig bayan kapag may nangyayaring sunog.
Handa naman umano ang LGU na sumuporta sa BFP sa pag- upgrade ng kanilang fire- fighting capacity upang masigurong ligtas ang constituents nito sa panahon ng emergency.
Mayroong 29 na barangay ang naturang bayan at pinaka unang rumiresponde kapag may nangyayaring sunog sa coastal barangay ng Mercedes.
Sa ngayon ay hindi na maayos ang kondisyon ng nag iisang fire truck na ginagamit ng BFP.
Umaasa ang SB nang positibong pagtugon mula sa tanggapan ni Sec. Abalos.
