BICOL—Bunsod ng muling pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Baras, Catanduanes, muling nagpalabas ng bagong Executive Order ang lokal na pamahalaan kaugnay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga COVID-19 restrictions sa nasabing lugar.
Batay sa ibinabang E.O No. 13 series of 2021 ni Baras Mayor – Jose Paolo Teves III, mahigpit na ipapasunod sa lahat ng mga residente ang pagsusuot ng facemasks at face shield lalo na sa mga pampublikong lugar gayundin ang pag obserba ng physical distancing.
Mas pinaaga na rin ang curfew hours na ipatutupad simula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga, bagaman hindi ito applicable sa mga residenteng nagta- trabaho sa mga industriyang may permisong mag operate sa mga nabanggit na oras.
Samantala, ipinagbabawal pa rin ang anumang uri ng mass gatherings, gaya ng piyesta, benefit dance at iba pang uri ng pagtitipon planado man o biglaan.
Hinihikayat naman ang lahat ng mga Barasnon na manatili lang sa loob ng kanilang mga bahay liban na lamang kung kailangang lumabas upang bumili ng pagkain at mga pangangailangan; magpunta ng ospital para sa medikal na atensiyon at pumasok sa trabaho mula sa mga industriyang pinahihintulutang magbukas at magsagawa ng operasyon.
Mananatili naman sa 50% seating capacity ang pahihintulutan sa loob ng mga restaurants at kainan at pwede rin ang “dine-in” services basta’t maayos na nasusunod ang health protocols sa loob ng mga food establishments.
Pinakahuli, ay ang pagpapatupad ng Liquor ban o pagbabawal sa pagbenta, pagbili at pag-inom ng alak na magtatagal ng dalawang linggo mula ngayong araw, Mayo 26 hanggang Hunyo 9.-30-