Mabilis na susuporta at tutugon ang Kamara sa mga ilalatag na legislative priorities ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ngayong araw.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, magbibigay ng malinaw na roadmap ang SONA at handang ihatid ng Kongreso sa publiko ang mga pangako.
Nanawagan din si Romualdez sa mga kasamahang mambabatas na magkaisa sa pagsuporta sa agenda ng pangulo dahil bilang kinatawan ng mamamayan ay tungkulin nilang magtulungan at isantabi ang pagkakaiba sa pulitika upang magpasa ng mga panukalang batas na mag-aangat sa buhay ng mga Pilipino.
Bago ang SONA ni Pangulong Marcos ay bubuksan din ngayong araw ang Third Regular Session ng 19th Congress.
Una nang tiniyak ni Romualdez na gagawin nilang pangunahing prayoridad ang pag-apruba sa 2025 national budget at ang nalalabing priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Ang natitirang tatlo mula sa dalawampu’t walong LEDAC bills ay ang panukalang amiyenda sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, Foreign Investors’ Long-term Lease Act at Agrarian Reform Law.
Hihintayin na lamang ng Mababang Kapulungan na maisumite ang 6.352 trillion pesos na National Expenditure Program na inaasahang matatanggap sa July 29.
Sampung porsyento ang itinaas nito kumpara sa kasalukuyang budget at katumbas ng 22 percent ng gross domestic product o GDP ng bansa.