BNFM BICOL—Nakaalerto na ang Legazpi City Emergency Operations Center kaugnay sa paparating na Bagyong Dante.
Sa DRRM Advisory, pinakikilos ang lahat ng Barangay DRRM Committees at Task Units upang paghandaan ang mga panganib na maaaring idulot ng sama ng panahon.
Inabisuhan din ang mga households na nasa mga high risk areas na ihanda ang emergency kits, PPEs at iba pang kailangan para sa posibleng pagpapatupad ng localized preemptive evacuation.
Muli namang inabisuhan ang mga mangingisda at sasakyang pandagat hinggil sa umiiral na no sail policy upang maiwasan ang sakuna sa karagatan. Bawal din ang pagtungo sa mga ilog, water ways at pagsasagawa ng iba pang water activities.
Inabisuhan din ang lahat na maging alerto, makinig sa radyo o magmonitor sa internet sa mga bagong advisory hinggil sa bagyo.
Samantala, inabisuhan din ang mga bus operators na may byaheng Manila- Legazpi vice versa na irebook ang kanilang mga pasahero na ang final destination ay ang islang bayan ng Rapu-Rapu o ang mga islang lalawigan ng Masbate at Catanduanes. Ito ay upang maiwasan ang pagdami ng mga stranded passengers sa mga pantalan.
Sa advisory ng CDRRM Council, epektibo ito mamayang alas 5:00 ng hapon at tatagal hanggat mayroong tropical cyclone wind signal sa lungsod.
Mababatid na una na ring nag-abiso ang Office of Civil Defense hinggil sa pagsuspinde ng mga byahe ng mga sasakyang daraan sa Bicol papuntang Visayas at Mindanao upang maiwasan ang pagdami ng stranded sa mga pantalan dahil sa bagyo.###

