BATANGAS CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Luyos, Tanauan City, Batangas.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Elmar Fabroa.
Sa panayam naman ng Brigada Batangas PLTCOL Apolinario Lunar Jr. ang hepe ng Tanauan CPS, sinabi nito na nag-aantay lamang ang biktima sa loob ng sasakyan nang biglang dumating ang suspek at binaril ito.
Ayon pa kay PLTCOL Lunar Jr. tinamaan sa likod na bahagi ang biktima na kaagad nitong ikinamatay.
Aniya pa, hindi taga Batangas ang biktima at dumadayo lamang para mamili ng mga kalakal at tinitingnan nilang motibo sa krimen ay ang negosyo nitong pagkakalakal ng mga produkto.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng nakatakas na suspek.