CAMARINES NORTE- Bagsak sa kulungan ang isang 34 anyos na lalake na nahaharap sa kasong panggahasa makaraang maaresto ng mga pulis Huwebes ng umaga sa Purok 5, Barangay San Jose, Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jess” 34 anyos, may asawa at residente ng Barangay Pag- asa sa bayan ng Labo na numero sa listahan ng Municipal Most Wanted Person sa nabanggit na bayan.
Ginawa ang pag aresto kay alyas Jess sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Acting Presiding Judge Leo Intia ng RTC- Branch 64 dahil sa kasong two counts of rape at walang nakarekomendang piyansa.
Ayon sa PNP, ilang ulit umanong hinalay ng suspek ang kaniyang stepdaughter na naganap noon pang taong 2020 sa bayan ng Labo.
Sinabi naman ni CNPPO Provincial Director PCOL Julius Guadamor na walang puwang dito sa probinsiya ang mga rapist at mapangabuso sa mga kababaihan.
Hanggang siya umano ang nakaupong Provincial Director sa Camarines Norte ay titiyakin niya na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima at mapapanagot ang sinumang nagkasala sa batas.
Nasa kustodiya naman ng Basud MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.
