CAMARINES NORTE- Pansamantalang hindi muna mag- iisyu ng Voter’s Certification ang Commission on Elections simula sa Lunes, September 27- 30, upang bigyang daan ang huling linggo ng voter registration bilang paghahanda sa May 2022 elections.
Ito ang kinumpirma sa Brigada News FM Daet ni Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau sa lalawigan.
Ang hakbang umanong ito ng Comelec ay upang ilaan ang huling linggo para lang sa voter registration na ang deadline ay itinakda sa katapusan nitong buwan.



Inaasahan kasi ang pagdagsa ng last- minute registrants habang papalapit ang deadline.
Kulang din ang bilang ng mga field personnel kaya nais ng Comelec na gamitin ang limited manpower at resources nito para asikasuhin ang mga magpaparehistro.
Kapansin- pansin naman ang pagdami ng mga nagpaparehistro ngayon kumpara noong mga nakaraang araw.
Bukas ang mga tanggapan ng Comelec mula alas 8 ng umaga hanggang alas 7 ng gabi Lunes hanggang Biyernes at alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon kung Sabado at holiday.
