CAMARINES NORTE- Natagpuan pasado alas 4 ng hapon nitong Miyerkules ang wala nang buhay na katawan ng isang lalake sa sidewalk ng Eco Avenue, Purok 4, Barangay San Roque sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa Camarines Norte Police Provincial Office, kinilala ang biktima na si Fredelino Tabor y Odi na kilala rin sa tawag na “Toto” 52 anyos, binata at residente ng Barangay 4 sa naturang bayan.
Bago ito, nakatanggap umano ng tawag sa telepono ang PNP mula sa staff ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Mercedes at ipinagbigay alam ang hinggil sa natagpuang patay na lalaki.
Batay sa imbestigasyon si Tabor ay pinaniniwalaang namatay dahil sa heat stroke.
Nasa isang punerarya na ang labi ng biktima para isailalim sa post mortem examination.
Mababatid na mahaba- habang tag- init na ang nararanasan sa lalawigan.
Kaya naman payo ng mga eksperto lalo na sa mga nakatatanda na iwasan muna ang paglabas ng bahay lalo na sa mga oras ng alas dyes ng umaga hanggang alas 3 ng hapon
Ugaliin din ang pag inom ng mas maraming tubig at magsuot ng mga damit na may light colors.
At habang umiiral ang community quarantine dahil sa COVID-19 ay mas mabuting manatili na lamang sa loob ng bahay upang makaiwas sa init ng araw.

