Na-aresto ang Japanese content creator na si ‘Lakas Tama’ matapos magsampa ng reklamo ang kanyang kinakasama.
October 15, bandang alas-kwatro ng madaling araw nang magtungo ang kinakasama ng content creator na si Jasmin Supetran sa Women’s Desk ng Parañaque City Police Station upang ireport ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso ng suspek.
Ibinunyag din ng biktima na tinakot siyang papatayin ng suspek gamit ang baril.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Parañaque Intelligence Section, sa pakikipagtulungan ng Sun Valley Police Substation, SWAT team, at isang social worker ng Brgy. Sun Valley at tinungo ang bahay ng suspek kung saan siya naaresto.
Sa ginawang pag-aresto, nakuha ng mga awtoridad ang ilang mga armas, kabilang ang isang Astra Unceta caliber 6.35 na may pitong bala, isang Ingram M11 caliber 9mm na may dalawang extended magazines na may 13 bala, at isang 9mm caliber pistol na may nakakabit na magazine.
Nang tanungin ang suspek hinggil sa mga dokumento ng kanyang mga armas, wala siyang maipakita.
Kasong Grave Threat, paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng suspek.