Bulagta ang kilabot na kumander ng New People’s Army (NPA) kabilang ang tatlong babaeng miyembro nito habang isang Army officer ang nasugatan sa nangyaring engkwentro, alas 3:00 ng hapon noong Sabado sa bayan ng San Jacinto, Masbate.
Kinilala ang mga nasawi na sina Edison/Eddie ‘Isoy’ Rosero alias Star/Ates, 44-anyos; Sheryl Dejumo Salazar alias Balbon, 35-anyos; Glenda Dejumo Ajitan alias Jinlyn, 46-anyos at Devina Lubiano Ajitan, alias Teyeng, 51-anyos.
Kinilala naman ang nasugatan na sundalo na si Cpl Nolan Legazpi na ayon sa ulat ay nataaan ng bala sa kanang baywang.
Dakong alas 6:50 ng gabi nang ma-extricate o maalis sa encounter site ang sugatang sundalo at agad na dinala ito sa Ticao District Hospital.
Ayon sa ulat ng Army-Bicol, naganap ang sagupaan sa pagitan ng mga elemento ng Scout Platoon at Intel Platoon ng 96IB at sa suporta ng iba’t-ibang yunit ng PNP Masbate at Phil Army at halos 20 rebelde sa Sitio Madarag, Brgy Jagnaan.
Inilahad sa ulat na rumesponde ang tropa ng pamahalaan sa impormasyon ng mga naalarmang residente hinggil sa presensya ng mga rebelde sa nasabing barangay.
Nagresulta ang nasabing engkwentro sa pagkasawi ng apat na rebelde at pagkakasamsam ng 2 M16 rifle na ang isa ay may nakakabit na grenade launcher at iba pang war materials na kinabibilangan ng 4 na M16 magazine, 55 ibat-ibang bala, 6 na blasting cup, mga cellphone at personal na gamit ng mga rebelde.
Si Ka Star ay commader ng Larangan 1, Komite Probinsyal 4 na nag-ooperate sa lungsod ng Masbate.
Ang grupo nito ang siyang responsible sa pagpatay ng magpinsan na sina Keith at Nolven Absalon noong Hunyo 6, 2021.
