Lumarga na ang huling bahagi ng pagbibilang ng National Board of Canvassers para sa pagka-presidente at bise presidente ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, umaasa silang matatapos na ngayong araw ang bilangan ng Kongreso, at posibleng maiproklama na sina presumptive president Bongbong Marcos at presumptive vice president Sara Duterte bago matapos ang araw.
Sa kabila nito, naitala pa rin ang kabi-kabilang mga aberya partikular na ang mga nawawalang certificates of canvass mula sa mga ballot boxes.

Matatandaang kahapon, wala ang COCs mula sa Surigao del Sur, Pampanga, at sa Sultan Kudarat.
Ngayon araw naman, wala rin ang mga manually transmitted COCs mual sa Mandaluyong.
Mayroon ding naitalang missing COCs mula sa Lungsod ng Maynila at sa Cagayan de Oro; habang nagkaroon naman ng kalituhan sa pag-label ng mga COCs mula sa Taguig-Pateros.
Kaagad na ipinatawag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri via conference call ang mga COMELEC officials mula sa Sulu at sa Mandaluyong para magpaliwanag.
Binatikos ni Zubiri ang mga election officers sa mga lugar na ito at sinabing simple lang naman aniya ang kanilang trabaho na ayusin ang paglalagay ng COCs sa ballot boxes.
#