Pinasalamatan ni Pangulong Bongbong Marcos si Republic of Korea President Yoon Suk Yeol sa pagtanggap nito sa kanyang imbitasyon na bumisita sa Pilipinas kasabay ng ika-75th anniversary ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Sa kanyang opening statement sa kanilang bilateral meeting, sinabi ng Pangulo na hindi kalabisan na sabihing makasaysayan ang ugnayan ng Pilipinas at Korea, dahil pinanday ito sa dugo sa pamamagitan ng mga sakripisyo ng libu-libong Pilipino na tumulong sa South Korea, noong sumiklab ang Korean War taong 1950.
Kaya naman napapanahon na rin anyang itaas sa stragetic partnership ang estado ng relasyon ng Pilipinas at Korea.
Lalo’t patuloy na lumalago ang relasyon ng dalawang bansa, kung saan may matatag na pakikipag tulungan sa iba’t ibang larangan tulad ng defense and security, maritime cooperation, trade, development, at people-to-people exchanges.
Sa statement naman ni Yeol, nagpahayag rin ito ng pagnanais na palakasin ang kooperasyon hindi lamang sa kalakalan at ekonomiya, kundi pati na rin sa mga makabagong sektor tulad ng security, digital technology, at energy.
Samantala, iprinesenta naman ng dalawang lider ang nalagdaang anim na memorandum of understanding sa pagitan ng Pilipinas at South Korea na sumasaklaw sa strategic initiatives na layong palakasin ang kooperasyon sa maritime security, economy, development cooperation, energy, tourism and infrastructure.