Sisimulan na ang konstruksyon ng Municipal Tilapia Hatchery project ng Department of Agriculture- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR R02) at local na pamahalaan ng Sta. Teresita sa Brgy. Caniugan.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, ang naturang municipal tilapia hatchery ay makakatulong sa produksyon ng tilapia fingerlings.
Nasa 4.6 milyon pesos ang pondong inilaan para rito kung saan ang 1.7 milyon dito ay mula sa LGU-Sta Teresita hahang 2.9 milyon naman sa DA-BFAR RO2.
Ang pasilidad ay may lawak na 2,500 square meter at layong makapagproduce ng 2.5 hanggang 3 milyon na tilapia fingerlings kada taon.
Pinangunahan nina DA-BFAR National Director Commodore Eduardo Gongona, DA-BFAR RO2 Outgoing Regional Director Milagros Morales, Sta. Teresita Municipal Mayor Rodrigo De Gracia at DA-BFAR R02 Executive Assistant Angel Encarnacion ang groundbreaking ceremony.
Nagpasalamat naman ang alkalde ng bayan sa DA-BFAR sa pagpili sa Sta. Teresita bilang tilapia hatchery na makakatulong sa pagkamit ng food security.
Samantala, inihayag naman ni Commodore Gongona ang layunin ng ahensyang mawakasan ang kahirapan at magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan ang mga mangingisda.