Nanindigan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na nananatili pa rin sa “incomplete” na grado ang ikalawang taon ng pamamalakat ng administrasyong Marcos sa bansa.
Ito ay matapos na hindi pa rin umano matupad ng Pangulo ang mga naging pangako nito tulad nalang ng pagpapababa ng presyo ng bigas sa P20 per kilo.
Dagdag pa niya, sa pagtalakay sa pambansang budget ay lumilitaw din na hindi makatotohanan ang mga itinakda nitong target tulad ng isang milyong pabahay kada taon dahil nasa walong libo lang ang nagawa ng housing agencies nitong 2023.
Kaugnay nito, hinimok ni Pimentel si Pangulong Bongbong Marcos na maging mas realistic bilang leader at ‘wag mahihiyang aminin ang pagkakamali nito.
Maliban pa roon, maganda rin umano kung sisimulan na rin nitong i-adjust ang kanyang economic target matapos makita ang pananalapi at kakayanan ng gobyerno.
Maalala, nitong nakaraang taon ay nakatanggap ng “incomplete” na grado mula sa ilang political analyst ang unang taon ng administrasyong Marcos dahil sa parehong rason na hindi pa rin niya natutupad ang kanyang mga naging pangako sa mamamayang Pilipino.