Inihayag sa maraming media reports na inamin umano ng South Korean actor na si Kim Seon-ho na pinilit nito ang kaniyang dating nobya na sumailalim sa abortion.
Sinabi sa mga ulat na humingi ng tawad ang 35-anyos na aktor, para sa nasabing insidente sa pamamagitan ng pahayag na inilabas ng management nito na Salt Entertainment.
Ayon kay Kim, “I met her with good emotions. In that process, I hurt her due to my carelessness and inconsiderate actions,”.
Ibinunyag rin ni Kim na sinubukan niyang personal na humingi ng tawad sa kaniyang dating nobya, ngunit hindi na niya ito makausap.
Ito na ang unang beses na nagsalita si Kim tungkol sa isyu, ilang araw matapos isiwalat ng isang babae sa social media post nito na pinilit siya ng kaniyang ex-boyfriend na tinukoy niya bilang “Actor K” na sumailalim sa abortion sa pamamagitan ng pangakong kasal na hindi nito tinupad.
Mababatid na sumipa ng husto ang kasikatan ng aktor dahil sa ginampanan nitong papel sa 2020 drama na “Start Up” at sa katatapos lamang na hit Netflix series na “Hometown Cha-cha-cha.”
Pero mula nang maglabas ng public apology ang aktor, ay sunod-sunod rin ang pagkawala ng projects nito kabilang na ang ilang endorsements at pelikula habang natanggal rin siya mula sa Korean variety show na “2Days & 1 Night.”
