Kawalan ng aprubadong LPTRP, dahilan ng mabagal na pag-usad ng PUV modernization program

Kinumpirma ng LTFRB Region 2 na ang kawalan ng approved Local Public Transport Route Plan (LPTRP) mula sa mga lokal na pamahalan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi naaaprubahan ng mga bangko ang loan ng mga kooperatiba para sa modernization program.

Ipinaliwanag ni Regional Director Edward Cabase ang mga proseso sa aplikasyon ng modernization ng mga transport cooperatives kung saan una na rito ay dapat consolidated ang mga kooperatiba sa ruta kung saan nais mag-establish ng modernized na sasakyan.

Nagiging problema lang aniya ay ang pag-avail ng loan sa government bank institutions dahil isa sa requirements ay ang pagkakaroon ng aprubadong LPTRP.

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Halos lahat naman umano ng LGU ay may draft nang LPTRP subalit sa ngayon ay mayroon lamang dalawa hanggang tatlong naaprubahan sa region 2.

Sinabi pa ni RD Cabase na hindi lamang sa Region 2 ang may ganitong problema kundi sa buong Pilipinas dahil dadaanan pa ito sa masusing proseso bago maaprubahan.

Upang masolusyunan ito ay sinulatan na rin umano ng kanilang tanggapan ang mga lokal na pamahalaan magpasa ng panibagong LPTRP upang mapabilis ang pag-usad ng modernization program.

Inihayag naman ni Atty. Constante Foronda Jr., Provincial Public Safety Officer ng lalawigan ng Isabela na nakahanda ang kanilang provincewide LPTRP ngunit kailangan ng datos mula sa bawat LGU para malaman kung magtutugma ang mga ito.

Read More:  Ancestral domain application in Negros filed in 2005 wins NCIP approval

Gayunman, dalawa pa lamang ng LGU aniya ang mayroong aprubadong LPTRP mula sa 36 na LGUs sa probinsya dahil ang iba ay kinakailangang baguhin o ayusin.

Kaugnay nito ay iminungkahi ni Atty. Foronda, na magsagawa ng seminar ang LTFRB upang maturuan ang mga LGU sa pagbuo ng LPTRP.

Tugon naman ng LTFRB na nagtakda na rin ng schedule ang Central Office para sa pagsasagawa ng capacity building upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng kapasidad gumawa ng LPTRP.