CAMARINES NORTE- Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng tumaas muli ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19 kapag hindi sinunod ang health protocols ngayong nagluwag na ng mga restriction.
Sa harap na rin ito ng papalapit na pagdiriwang ng Yuletide season kung saan pinapayagan na ang mga pagtitipon at nagluwag na rin ang mga establisyimentong pinupuntahan.
Sa isinagawang Virtual Press Briefing kahapon, sinabi ni Kenn Nuyda ng Regional Epidemiology and Surveillance Units ng DOH Bicol na hindi pa rin dapat magpakakampante ang bawat isa at importanteng sundin ang health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at social distancing.
Aniya hindi lang importanteng maprotektahan ang sarili kundi ang mga “vulnerable” na kasama sa bahay tulad ng mga matatanda, bata at yaong mahina ang immune system.
Muli rin nitong hinimok ang mga ayaw at hindi pa nakakapagpabakuna na huwag nang magdalawang isip pa at samantalahin ang available resources na ibinibigay ng gobyerno.
Kailangan lang umanong makipag ugnayan sa mga kinauukulan para sa schedule ng pagpapabakuna.
Samantala, maliit na lang ngayon ang healthcare utilization rate sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa 135 na inilaang kama para sa COVID ay 20 lang sa ngayon ang nagagamit o katumbas ng 14. 8% utilization rate.
Nasa low risk level ang isolation at Covid ward beds at walang naitalang pagamit sa ICU at mechanical ventilators.
Nagsisimula na rin sa lalawigan ang pagbabakuna sa pediatric population.
Ayon kay Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, bahagi ito ng kanilang paghahanda sa limited face to face classes na maaaring magsimula na rin sa lalawigan.
