Face shield bagsak presyo  na sa huling araw ng mandatory na paggamit nito

CAMARINES NORTE- Ibinebenta na sa mababang presyo ang mga face shield sa kasentruhan ng bayan ng Daet sa huling araw na mandatory na paggamit nito.

Magiging voluntary na kasi simula bukas ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2 at 3.

Nasa ilalim ng Alert Level 2 ang Camarines Norte batay sa pinakabagong classification na inilabas ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Ayon kay “Dons” isa sa mga nagbebenta ng face shield mula sa kasalukuyang P20 ay P15 na lang ang benta niya.

Aniya mula nang maging mandatory ang paggamit ng face shield ay nagbebenta na siya nito kasama ng face mask.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Bagamat apektado ang hanapbuhay ay tanggap naman umano niya ang naging desisyon ng gobyerno na hindi na ito gawing mandatory.

Ang isa pang nagbebenta ng face shield sa sentro ay itatago na lamang daw ang paninda.

Pero kung may mga bibili pa ngayong araw ay ipapaubos na lang umano niya at mula sa P20 ay gagawin na lamang din niyang P15.

May mas mahal ding uri siya ng face shield na ibinebenta  sa halagang P80.

Si Renato naman na nagbebenta rin ng face shield ay ibebenta na lang din sa mas mababang halaga ang kaniyang paninda.

Aniya, nang magsimula siyang  magtinda ng face shield noong gawin itong mandatory ay P70 pa ito hanggang sa naging P50 at P20.

Read More:  HBONI, DOST push science-based development in Himamaylan IP community

Pero may pagkakataong umabot ang halaga nito sa mahigit isang daan depdende sa klase ng face shield.

Itatago na lamang din umano niya ang paninda at muling magtitinda kung gagawin uling mandatory.

Kagabi ay inanunsiyo mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaprubahan niya ang rekumendasyong luwagan ang paggamit ng face shield.

Magiging mandatory na lamang ang paggamit nito sa mga lugar na nasa Alert Level 5 at naka granular lockdown.

Ipapaubaya naman ang desisyon sa mga pribadong establisimiyento at Lokal na Pamahalaan kung gagawing mandatory ang pagsusuot ng face shield kapag ang lugar ay nasa ilalim ng Alert Level 4.