CAMARINES NORTE- Karamihan mga bayan sa lalawigan ng Camarines Norte ang nalagyan na ng Department of information and Communications Technology ng libreng access sa internet sa pamamagitan ng free wifi.
Ito ang ipinabatid ni DICT Provincial Director Aileen Rillon sa panayam ng Brigada News Fm Daet, kasabay ng pag-anyaya nito sa publiko na tangkilikin ang mga serbisyong kanilang inihahatid.
Ayon kay PD Rillon, bagama’t karamihan sa kanilang mga nalagyan ng free internet ay mga paaralan, LGU’s, mga tanggapan ng Gobyerno at Municipal Plaza’s ipinabatid nito na ang talagang target nila rito ay ang mga malalayong barangay o geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAS).
Layon aniya nito ang mabilis na pagpapaabot ng impormasyon lalo na ang may kinalaman sa counter-insurgency kung kaya’t mayroong mga malalayong barangay na nalagyan ng free wifi sa kanilang mga multi-purpose buildings.
Bukod sa access sa information, layon din umano nito ang mabilisang pagtugon sa tuwing mayroong kalamidad dahil maaring magamit ang kanilang device kahit pa down ang signal ng lahat ng network at mawalan ng kuryente dahil direkta ito sa satellite na maaari ring magamit kahit na gamit lamang ang generator o solar energy.

