TALISAY – Umapela ang lokal na pamahalaan ng Talisay, Batangas ng karagdagang suplay ng bakuna kontra COVID-19 upang tugunan ang lumalaking demand sa bakuna sa naturang bayan.
Ayon sa Talisay Municipal Health Officer Dr. Victoria Luna, nasa 100 percent na ang utility rate ng bakuna sa kanilang bayan.
Kasalukuyan aniyang nakareserba na ang natitirang bakuna ng Talisay para sa second dose ng mga naunang nabakunahan.
Dahil dito, hindi pa aniya binubuksan ang vaccination program para sa A4 priority group o mga essential workers.
Gayunpaman sinabi ni Dr. Luna na maraming residente na ang nagpahayag ng kagustuhang mabakunahan.
Tiniyak naman ni Luna na handa silang magsagawa ng malawakang rollout sa oras na mabigyan ang bayan ng mas maraming suplay ng COVID-19 vaccines mula sa pamahalaang nasyunal.
Sa kasalukuyan, nasa 1,800 pa lamang ang nabakunahan sa bayan ng Talisay.