Nasa kustodiya na ng kapulisan ang barangay Kapitan na suspek sa pamamaril sa isang kawani ng MSWDO Jones matapos siyang mahikayat na sumuko ni Mayor Nhel Montano noong October 1, 2022.
Ang suspek ay kinilalang si Kapitan Agustin Labugen ng Baranggay Payac, Jones, Isabela habang ang biktima ay si Emerson Mallabo, 33-anyos, may asawa at empleyado ng MSWDO Jones.
Magugunitang naganap ang insidente noong Setyembre a-30 sa bahay ng isang barangay Kagawad kung saan kasalukuyang nakikipag-inuman ang suspek.
Nagtungo umano doon ang biktima upang magpapirma ng ilang dokumento subalit dito na nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa nagkainitan at pagbabarilin ni Kapitan Labugen ang biktima sa iba’t-ibang parte ng kaniyang katawan gamit ang kalibre 38 na baril.
Agad namang tumakas ang suspek habang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang mukha, balikat at kamay ang biktima.
Dinala naman sa pagamutan si Mallabo na ngayon ay nasa maayos nang kundisyon subalit kinakailangan pang sumailalim sa operasyon dahil sa tinamong sugat sa katawan.