Naniniwala ang kampo ni Mabini, Batangas Mayor Nilo Villanueva na ‘politically-motivated’ ang ginawang pagre-raid sa kanilang tahanan.
Sa isang pahayag, sinabi ng magkakapatid na Villanueva na maaaring paninira lang daw ito, kasabay ng ginagawa nilang pagpapalakas ng turismo sa kanilang bayan, kabilang na ang promotion bilang top diving destination ng Mabini.
Bago ito, una nang sinabi ng kampo nila Villanueva na hinihintay na lang nila ang pormal na pagsasampa ng kaso ng CIDG-NCR.
Ito ay ang gagawin nilang batayan sa ihahain nilang motion to quash sa Korte para ibasura ang illegal possession of firearms charges na isinampa laban sa magkakapatid.
Kung maaalala, maliban sa Alkalde, arestado rin sa hiwalay na raid ang kapatid niyang si Bayani at Oliver, isang barangay kapitan, at isa namang dating pulis.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang iba’t ibang kalibre ng baril at mga pampasabog.
