Nilusob ng mga tropa ng 50th Infantry Battalion (50IB) ang kampo ng rebeldeng pangkat matapos ang 35 minutong bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng isang NPA member at pagkarekober ng isang high-powered firearm sa Brgy. Bagtayan, Pasil, Kalinga noong Nobyembre 13, 2021.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan mula sa 5th Infantry Division ng Philippine Army, unang nagsagawa ng focused military operations ang 50th IB sa naturang lugar matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa presensya ng mga NPA.
Habang patungo ang kasundaluhan sa naturang barangay ay dito sila pinaputukan ng mahigit kumulang 15 miyembro ng NPA sa ilalim ng Komiteng Larangang Guerilla (KLG)-BAGGAS.
Gumanti naman ang mga pwersa ng pamahalaan na nagresulta ng putukan at nagtulak sa kalaban na tumakbo sa iba’t ibang direksyon,
Iniwan din ng rebeldeng pangkat ang bangkay ng kanilang namatay na kasamahan at ang kanyang baril.
Narekober ng 50IB ang isang M16 rifle, 2 magazine (1 long & 1 short), 25 rounds ng 5.56mm ammunition, isang bandolier, transistor radio at iba pang personal na gamit.
Agad namang dinala sa barangay Bagtayan ang bangkay ng namatay na NPA at ipinasakamay sa kanyang pamilya matapos matukoy na si Julio Dumalyong alyas Poli mula sa Brgy Tanglag, Lubuagan, Kalinga.
Pinasalamatan naman ni LtCol. Melanio Somera, ang Commanding Officer ng 50IB ang mga lokal sa kanilang buong suporta sa paglaban sa mga makakaliwang pangkat.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si BGen. Santiago Enginco, ang Commander ng 503rd Infantry Brigade sa pamilya ng napatay na miyembro ng NPA.
Pinuri naman ni MGen Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang tagumpay ng tropa ng 50IB.