Tiniyak ng Kamara na magiging transparent sila sa publiko kasama ang Senado kapag nagconvene bilang National Board of Canvassers (NBOC) para sa canvassing o pagbibilang ng boto at proklamasyon para sa nanalong kandidato sa presidential at vice presidential race.
Ito ang sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza kasabay ng patuloy na paghahanda ng mababang kapulungan ng Kongreso para sa canvassing.
Ayon kay Mendoza, ‘all system go’ na ang Kamara para sa canvassing at proclamation kung saan mahigpit na ipapatupad ang health protocols laban sa covid-19.
Para naman sa seguridad, sinabi ni Mendoza na kaya sila nagpatupad ng registration para sa canvassing ay para masala ng husto ang mga papasok sa Batasang Pambansa.
Kaugnay nito’y, nakikipag-ugnayan na rin sila Philippine National Police (PNP) para sa mga grupo na magpoprotesta sa labas ng Batasan Complex lalo na sa araw ng proklamasyon.
Pangungunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang house contingent ng NBOC habang kabilang naman sa mga miyembro ay si House Majority Leader Martin Romualdez at iba pang mga Kongresista.
